Saturday, August 11, 2018

Ako si Dilim


Ako si Dilim
By frank


Eden ang lugar ng aking sinlangan sa mundo ng engkanto, diwata, diyos at dyosa. Ako ang tunay na Adan Itinaboy upang ipalit ang huwad na nilalang.

Ako noo’y nagiisa kasama ng mga hayop natulad ko’y lalang ng Maylikha. Aking natuklasan ang karunungang taglay Niya at natutunang ako’y hubad pisikal at isipan. Sinubukan kong ikubli ang aking pagiging hubad ngunit kasama nito ang aking angking kabaitan. Itinanggi ko ang aking pinagmulan. Sinimulan ang pagbura ng aking kasaysayan. Sinimulang itatak sa aking isipan na ako ang nasa itaas ng mga nilikha. Sa paanan ko ang mga hayop sa lupa man o sa dagat. Arogante ang tawag nila sa akin. Nabalot ng pang-aapi ang aking isipan at kalooban.

Nang dahil dito ang aking Ama sa akin nasuklam. Ang aking kasaysayan ay Kanyang kasaysayan. Ako ay nasa kanyang isipan simula pa lamang ng kanyang paglikha. Sa kanyang isipan ang kanyang sugo, tagapagalaga ng lahat ng mga likha at hindi hari sa lupa man o dagat.

At nangyari na nga ang aking masamang panaginip. Itinaboy sa kadiliman ng Eden.  Ikinulong sa rehas ng aking kasamaan. Hindi ako kayang patayin ng aking Ama ngunit kaya niya akong limutin. At iyon ang masakit sa akin. Ang limutin ka ay ang paulit-ulit kang patayin.

At sya nga ay lumikha muli ng mga gabay ng mga nilikha, isang tinawag na lalaki at ang isa, babae. Ang huli ang aking paborito. Nakita ko sa kanya ang kahinaan. Likas iyon sa kanya dahil dito siya kumukuha ng kalakasan. Siya ang aking paborito sapagkat tulad niya ako. Hinubog na mahina upang ipaalam na siya ay hindi pangalawa lamang sa malakas.  Ito ang aking ginamit upang makuha ang kanyang loob. Ang pinakain ko sa kanya ay karunungang kami lamang ang nakakaalam.

Sa dilim ako nabuhay bago sila nilikha. Nabuhay ako ng magisa. Natuwa ako noong malaman kong mayroon akong kawangis, nilikhang tulad ko tagapangalaga ng mga nilalang. May kasama na ako sa Eden ng mga nilikha.

Huwag ninyo akong husgahan sa aking mga nakaraan. Ako’y nilikha din tulad nila. Ang aking katangian lamang ang aking kaibahan. Ako rin ay nilikhang minahal ng Maylikha. May layang pumili ng aking kapalaran. Gumuhit ng sariling daan sa kasaysayan.

Sa aking nasugatan sa digmaan ng idolohiya ng mundo ng kung ano ang tama at mali, kung sino ang may karapatan at kung sino ang wala, ito ang aking katangian. Walang pag-amin ng kamalian, walang kasagutan o pagtugon ng aking kasalanan, sapagkat ito ang aking tungkulin.

Ang init ay may lamig. Ang sarap, pait. Kung sa liwanag ang akala ninyo ay walang dilim, naroroon ako't nakamasid.  Sapagkat na una ang dilim bago ang liwanag.

No comments:

Post a Comment