Saturday, August 11, 2018
Ako si Dilim
Ako si Dilim
By frank
Ako noo’y nagiisa kasama ng mga hayop natulad ko’y lalang ng
Maylikha. Aking natuklasan ang karunungang taglay Niya at natutunang ako’y
hubad pisikal at isipan. Sinubukan kong ikubli ang aking pagiging hubad
ngunit kasama nito ang aking angking kabaitan. Itinanggi ko ang aking
pinagmulan. Sinimulan ang pagbura ng aking kasaysayan. Sinimulang itatak sa
aking isipan na ako ang nasa itaas ng mga nilikha. Sa paanan ko ang mga hayop
sa lupa man o sa dagat. Arogante ang tawag nila sa akin. Nabalot ng pang-aapi
ang aking isipan at kalooban.
Nang dahil dito ang aking Ama sa akin nasuklam. Ang aking kasaysayan
ay Kanyang kasaysayan. Ako ay nasa kanyang isipan simula pa lamang ng kanyang
paglikha. Sa kanyang isipan ang kanyang sugo, tagapagalaga ng lahat ng mga
likha at hindi hari sa lupa man o dagat.
At nangyari na nga ang aking masamang panaginip. Itinaboy sa
kadiliman ng Eden . Ikinulong sa rehas ng aking kasamaan. Hindi
ako kayang patayin ng aking Ama ngunit kaya niya akong limutin. At iyon ang
masakit sa akin. Ang limutin ka ay ang paulit-ulit kang patayin.
At sya nga ay lumikha muli ng mga gabay ng mga nilikha,
isang tinawag na lalaki at ang isa, babae. Ang huli ang aking paborito. Nakita
ko sa kanya ang kahinaan. Likas iyon sa kanya dahil dito siya kumukuha ng
kalakasan. Siya ang aking paborito sapagkat tulad niya ako. Hinubog na mahina
upang ipaalam na siya ay hindi pangalawa lamang sa malakas. Ito ang aking ginamit upang makuha ang kanyang
loob. Ang pinakain ko sa kanya ay karunungang kami lamang ang nakakaalam.
Sa dilim ako nabuhay bago sila nilikha. Nabuhay ako ng
magisa. Natuwa ako noong malaman kong mayroon akong kawangis, nilikhang tulad
ko tagapangalaga ng mga nilalang. May kasama na ako sa Eden ng mga nilikha.
Huwag ninyo akong husgahan sa aking mga nakaraan. Ako’y
nilikha din tulad nila. Ang aking katangian lamang ang aking kaibahan. Ako rin
ay nilikhang minahal ng Maylikha. May layang pumili ng aking kapalaran. Gumuhit
ng sariling daan sa kasaysayan.
Sa aking nasugatan sa digmaan ng idolohiya ng mundo ng kung
ano ang tama at mali ,
kung sino ang may karapatan at kung sino ang wala, ito ang aking katangian.
Walang pag-amin ng kamalian, walang kasagutan o pagtugon ng aking kasalanan,
sapagkat ito ang aking tungkulin.
Ang init ay may lamig. Ang sarap, pait. Kung sa liwanag ang
akala ninyo ay walang dilim, naroroon ako't nakamasid. Sapagkat na una ang dilim bago ang liwanag.
Subscribe to:
Posts (Atom)