Thursday, July 26, 2012

Bong Revilla: Mr. Stickerman Huwag iboto!!!

Isa nanamang walang kwentang batas ang agad-agad na naipasa ng ating pinakamamahal na mga senador, at ito mga kababayan ang helmet law ni Bong Revillame este Revilla.

Kailangan daw po iregister ang mga helmet ng mga kawawang motorista at kung hindi 1,500 pisong tumataginting ang ibubulsa ng gobyerno mula sa karaniwang manggagawang pilipino.  Nangangailangan pong pumasa sa standard ng mga magagaling ang helmet ni Juan at ICC sticker ang tanda ng pagpasa. Nagkakahalaga ito ng 100 piso para sa proseso ng pagsusuri at 1.25 piso para sa sticker. Ngunit ng makahalata naisipan nilang ilibre na lang ang mga pobreng tao. At tulad ng inaasahan dinagsa po ang mga tanggapan ng DTI sa Metro Manila. Merong lumiban ng trabaho na nangangahulugan hindi sila mababayaran ng araw na iyon (No work No pay policy) at nagutom dahil sa haba ng pila. Merong na-wrecker ang mga motor na ang bayad po kapag tinubos ay higit 1,000 piso. Ang kawawang indibidwal naluha nalang sa sama ng loob. Di malaman kung saan kukuha ng pambayad ng pantubos imbis pambayad ng tumataas na kuryente, tubig, at pagkain. 

Tuwang tuwa sa galak ang mga businessman na kaibigan ni Mr. Revilla na naglobby ng batas na ito dahil magkakamal sila ng limpak na salapi kapag ang batas na ito ay maipatutupad sa Agosto. Mapipilitang bumili ng napakamahal na helmet imbis na ipakain nalang sa pamilya nya.  Tuwang-tuwa din ang mga buwaya sa lansangan, meron nanamang rason para makakotong sa mga kaawa-awang motoristang tinitiis ang init at ang ulan makapasok lang sa trabaho, mabihisan, at mapakain lang ang pamilya.

Inisip mo sana Mr. Revilla ang mga kaawa-awang manggawa bago isinalang ang walang kwenta mong batas, at isinaalang alang nyo sana mga respetadong senador ang kalagayan ng pamilya ng mamayan. Ito ang patunay na ang kasawian ng maliit ay kabuhayan ng malaki. Marami po tayong kababayan na gutom at nangangailangan ng kalinga. Inuna nyo sana sila kesa sa batas na ito.

Mr. Revilla, Mr. Stickerman. Masdan mo ang Pinanday mo. Nagartista ka nalang sana at di na nakialam pa sa Pilipinas. Mas hayahay ang buhay namin kung pinagpatuloy mo nalang sana ang alamat ni Panday. Sa susunod na eleksyon wala  sa iyo ang boto ko kasabay ng boto ng milyun-milyong nagmomotor na Pilipino.

Sunday, July 8, 2012

Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan

KUNG TUYO NA ANG LUHA MO, AKING BAYAN
Amado V.  Hernandez
 
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa: 
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,
 
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
 
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
 
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
 
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
                  At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!
Listen here: